FIRST LOVE NEVER DIES. MYTH!

Pansamantalang tumigil ang mundo ko nang mabasa ang mga katagang, “Mauricio Mananghaya added you as a friend on Facebook.” Pa’no ba naman, taong 1993 nung maging boyfriend ko si Mauricio, buwan yun ng Abril, ilang araw mula ng matapos kami ng high school. Ilang buwan lang ang itinagal ng relasyon dahil nag-aral s’ya ng Criminology sa Maynila at ako naman, sa Bulacan pa din nag-kolehiyo. Fast forward 2002 umalis ako papuntang UK at ‘di ko na s’ya nakita ulit, ang balita, madalang na raw umuwi sa Bulacan dahil sa Maynila na nakatira. Kaya naman laking gulat ko nung makita ang pangalan n’ya sa Facebook, matagal ko na s’yang ‘di nakikita at ‘di ko naman itinatanggi, na madalas sumasagi sa isip ko kung kumusta na kaya s’ya?

Kung kasing-pogi pa rin kaya n’ya ‘yung itsura n’ya noong araw? Nakatanim pa sa isip ko ang itsura n’ya. At ‘di lang tanim, kung baga sa TV eh HD pa. Bakit nga ba eh ito ang lalaking nagpakilig sa’kin ng sobra noong araw, first love nga eh, tall, dark & handsome kasi ang description sa kanya noong araw, ganun pa rin kaya s’ya, mapungay pa rin kaya ang mata n’ya at ‘yung mahaba ny’ang pilikmata ganun pa rin kaya? Mga katanungan sa isip ko na dapat masagot ko, dahil ‘di ako mapapakali.

Dumating ang araw na uuwi na kami para magbakasyon sa Pilipinas, napakadami kong gustong gawin at puntahan, kaso apat na linggo lang ang bakasyon, so dapat isulit. Kasama sa listahan ko ang bisitahin ang mga kaibigan noong high school. Usapan, kina Dodie raw magkikita, ka-klase rin namin at ang sabi ng kaibigan namin, darating daw si Mauricio. Aaminin ko, higit sampung taon na ang lumipas, nanganak na’ko ng dalawang beses pero tuwing binabanggit ang pangalan n’ya, parang kinikilig ako ng palihim, parehong pakiramdam na nararamdaman ko nuong high school.

Dumating na ang araw ng pagkikita, hapon pa naman kaya nagpagupit muna ako nung umaga, bakit kamo? Aba eh bakit hindi, makikita ko ulit si Mauricio kaya ‘nag-effort’ ako kahit papano. Pagdating ko, nanduon na mga iba naming ka-klase, kwetuhan, tawanan, kulitan, parang balik high school lang ulit. Ansaya! Hanggang sa eto na, may huminto ng sasakyan, at eto, ang taong pinakahihintay ko, dumating na!

Nginitian ako at nilapitan. Nagkwetuhan kami, ibat-ibang topic, mula sa mga teacher nuong high school, mga ka-batch na lalong gumanda, lalong tumaba, pati nga si Jolina Magdangal napag-usapan. Nasali sa usapan na hiwalay na ako, na dalawa na ang anak ko at na ang partner ko ngayon ay taga- Davao. At s’ya naman may anak na rin, isang babae at may partner na rin at sa Maynila na nakatira. Habang nag-uusap, nakatingin ako sa kanya, nandun pa rin ang mapungay na mata, ang mahabang pilik mata, tall, dark… Oo, pero handsome, ‘di na yata masyado. At ang nakapagtataka sa lahat, nawala na rin ang kilig.

Umuwi akong nag-iisip, all those years naniwala ako na first love never dies, but the truth is when you see your balding first love, sporting his beer-belly, then you suddenly realize that first love actually dies. That feelings do change. And now it’s more of, I remember the boy but I don’t remember the feelings anymore. Habang nakahiga ako, naisip ko na mainam pa rin na nagkita kami ulit, na ‘di ko na iisi-isipin kung ano na kaya itsura n’ya, na kumusta na kaya s’ya? Dahil alam ko na ang sagot. At ang sagot ay, kagaya ko, ayos lang s’ya, sa piling ng taong mahal n’ya.

At ngayon, maski paulit-ulit ko pa marinig ang pangalang Mauricio, ‘di na ako kinikilig ng palihim. Dahil sa’kin at malamang sa kanya rin, bahagi na lang kami ng nakaraan – para mas lalong naging makulay ang aming high school life.

The magic of first love is our ignorance that it can ever end.

*****

Advertisements